TUGUEGARAO CITY-Labis na iginagalak ng Cordillera Peoples Alliance ang paglaya ng isang kilalang aktibista sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Ayon kay Santi Mero, Vice Chairman ng Cordillera Peoples Alliance, patunay lamang umano na hindi totoo ang isinampang kaso kay Rachelle Mariano ng 81st Infantry Division, Philippine Army.
Una rito, sinampahan ng kasundaluhan si Mariano ng kasong murder, dalawang attempted murder at anim na frustrated murder dahil sa alegasyon na kasama si Mariano sa operation ng New Peoples Army (NPA)sa Ilocos Sur na dahilan ng kanyang pagkakakulong ng humigit kumulang na isang taon.
Aniya, pagpapakita lamang na inosente si Mariano at pawang gawa-gawa lamang ang mga inihaing kaso laban sakanya.
Sakabila ng pagkakakulong, sinabi ni Mero na ipagpapatuloy pa rin ni Mariano ang kanyang nasimulan na pagtulong sa mga mahihirap lalo ang mga nasa liblib na lugar
Si Mariano ay nakapagtapos ng nursing at isang Ibaloy.
Samantala, hindi naman sumasang-ayon si Mero sa plano ng kasundaluhan na pasukin ang mga eskwelahan sa bansa para bantayan laban sa umano’y ginawang recruitment ng mga makakaliwang grupo.
Ayon kay Mero, wala sa loob ng eskwelahan ang mga kalaban at hindi solusyon ang pagpasok sa mga eskwelahan sa kaguluhan sa bansa.