Inihayag ng Department of Health (DOH) na minomonitor nila ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ilang bahagi ng Timog-Silangang Asya.

Bagamat hindi tinukoy ng DOH ang mga apektadong lugar, may mga ulat ng pagdami ng bagong kaso sa Hong Kong, Singapore, at Thailand ngayong taon.

Ayon sa DOH, walang dapat ipangamba ang publiko dahil patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon sa pakikipag-ugnayan sa ASEAN.

Sa Pilipinas naman, bumaba ng 87% ang mga kaso at pagkamatay dahil sa COVID-19 ngayong 2025 kumpara noong 2024.

Mula sa 14,074 kaso noong nakaraang taon, umabot lamang sa 1,774 kaso ang naitala ngayong taon.

-- ADVERTISEMENT --

Pinayuhan pa rin ng DOH ang publiko na ipagpatuloy ang mga simpleng hakbang tulad ng pagsusuot ng face mask sa mga health facilities, pag-iwas sa paglabas kapag may sakit, paghuhugas ng kamay, at agarang pagpapakonsulta kapag may sintomas upang mapanatili ang kalusugan.