TUGUEGARAO CITY-Nilinaw ng pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC)na walang naitalang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) na naka-admit sa kanilang pagamutan.
Ayon kay Dr Glenn Matthew Baggao ng CVMC, bagamat totoo na mayroong isang 39-anyos na Chinese national ang kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan,itinuturing pa rin aniya itong PUI o Patient Under Investigation.
Sinabi ni Baggao na kusang nagtungo ang tsino sa naturang pagamutan nang makaramdam ng sore throat, lagnat at ubo.
Nabatid na lumapag sa Tuguegarao City Airport ang Tsino na isang estudyante sa isang pribadong Unibersidad noong Pebrero 27,2020 mula sa Hebei, China.
Kaugnay nito, sinabi ni Baggao na hinihintay na ng kanilang pagamutan ang resulta ng specimen ng tsino na ipinadala sa lungsod ng Maynila para malaman kung negatibo o positibo sa naturang virus.
Sa ngayon, sinabi ni Baggao na nasa 18 PUIs ng covid -19 ang inoobserbahan sa naturang kasama ang Chinese national.
Aniya, mula sa nasabing bilang, siyam ang may travel history sa iba’t-ibang bansa at ang iba ay mula sa kalakhang Maynila na nakitaan ng sintomas ng coronavirus.
Samantala, pinayuhan ni Baggao ang mga nagbabalak na dumalaw sa kanilang mga kaanak na naka admit sa pagamutan na pansamantalang ipagpaliban muna bilang pag-iingat sa pagkalat ng naturang virus.
Dagdag pa niya na kanila naring nilimitahan ang bilang ng mga bantay kung saan isa na lamang bawat pasyente para sa kaligtasan ng lahat kontra sa covid-19.