TUGUEGARAO CITY- Sisimulan ngayong araw, June 7 ang mass swab testing sa mga empleyado ng munisipyo at mga tindero sa San Jose public market sa Baggao, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mayor Joan Dunuan na 700 slots ng RT-PCR test kits ang inilaan sa mass swab testing na gagawin sa loob ng dalawang araw.

Ayon kay Mayor Dunuan, nagdesisyon sila na isailalim sa swab testing ang lahat ng mga kawani at opisyal ng munisipyo maliban na lang sa mga natapos na dahil sa mataas na bilang ng tinamaan ng covid 19 na mga empleyado na pumalo sa higit 30.

Sakop din ng mass swab testing ang mga stall owners at ambulant vendors ng San Jose public market kung saan galing ang karamihan sa mga nagpositibo at binawian ng buhay dahil sa covid 19.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, inaasahan ang paglobo ng covid 19 sa naturang bayan sa oras na lalabas ang resulta kung kayat ipinahanda umano niya ang mga eskwelahan sa bawat barangay na maaaring gamiting isolation facility para maiwasan ang home quarantine.

Gagawin ang mass swab testing sa tulong ng Department of Health at Provincial Health Office.

Kaugnay nito, sinabi ni Dunuan na nagpadala ang DOH Region 2 ng specimen sa Philippine Genome Center sa Metro Manila para matukoy kung mayroong bagong variant of concern ng covid 19 ang panibagong nakapasok sa Baggao na sanhi ng mabilis na pag-akyat ng bilang ng mga tinamaan ng virus.

Matatandaan na nitong buwan ng Mayo ay nakapagtala ang bayan ng Baggao ng dalawang kaso ng nagpositibo sa south African variant

Samantala, sa inisiyatibo naman ni Board Member Cris Barcena at sa tulong ng LGU Alcala at Red Cross Alcala Chapter, magsasagawa ang grupo ng hiwalay na mobile massive anti-gen swab Testing.

Layunin nitong i-swab test ang mga Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTS) ng mga barangay na nakasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Nilinaw naman ni Barcena na ang mismong grupo ang pupunta sa mga barangay para isagawa ang antigen mass testing bukas.