Nasa 71 COVID-19 patients na kumpirmadong kaso na lamang ang kasalukuyang naka-admit sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni CVMC Chief Dr. Glenn Mathew Baggao na malaki na ang pagbaba ng mga confirmed cases kumpara sa dating all-time high na mahigit 300 pasyente nitong 3rd quarter ng kasalukuyang taon.
Nasa kabuuang 18 suspected cases naman ang nag-aantay sa resulta ng kanilang RT-PCR test na kailangan ma-admit dahil sa kanilang comorbidity.
Magugunitang nagbawas na rin ang CVMC ng COVID-19 beds upang ma-acommodate ang mga non-COVID patients kasunod ng patuloy na downward trend ng mga tinatamaan ng virus.
Mula sa dating 250 beds na nakalaan para sa mga tinamaan ng virus ay nasa 150 na lamang ngayon habang nagbawas na rin ang pagamutan ng step down facilities.
Gayunman operational pa rin aniya ang 32 bed quarantine facility na nasa likod ng pagamutan kung saan okupado ito ng 14 na COVID patients na asymptomatic to mild na karamihan ay mga medical staff.
Ayon kay Baggao, nakatulong ng malaki sa pagpapababa ng kaso ang patuloy na roll-out ng bakuna upang hindi tamaan ng mas malalang sintomas at epekto ng COVID-19.
Sa ngayon ay nasa 200 na lamang din ang daily average na pinoprosesong sample o specimen sa molecular laboratory ng CVMC.