Patuloy na nababawasan ang bilang ng mga pasyente na may COVID-19 sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) kasabay ng pagbaba ng kaso ng mga tinatamaan ng naturang nakamamatay na sakit.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Cherry Lou Antonio, Chief Medical Proffesional Staff II ng CVMC na 46 na lamang ang bilang ng COVID-19 patients na naka-admit ngayon sa pagamutan, kung saan 36 dito ang confirmed cases habang sampu ang suspected cases o nag-aantay ng swab-test results.
Sa naturang bilang ng kumpirmadong kaso o mga pasyenteng ginagamot at nagpapagaling ay pinakamarami rito ay mula sa Cagayan sa bilang na 29; lima sa Isabela, tig-isa sa Kalinga at Batanes.
Karamihan sa mga pasyente ay may malalang karamdaman kung saan apat rito ay nasa kritikal, walo ang severe, 25 ang moderate habang siyam ang mild ang kalagayan.
Bukod sa mga pasyente, bumaba na rin ang bilang ng healthcare workers ng CVMC na may active COVID cases.
Ayon pa kay Antonio, bumaba na rin ang bilang ng kanilang natatanggap at ipinoprosesong specimen gamit ang molecular laboratory ng CVMC kung saan nasa 700 aniya ang nabawas o 300 na lamang mula sa dating mahigit 1,000 swab samples kada araw.
Isa sa nakikitang dahilan ng pagbaba ng bilang ng COVID-19 cases ay ang isinasagawang malawakang pagbabakuna sa rehiyon.
Samantala, tuloy-tuloy ang pagbabakuna ng ospital kontra COVID-19 sa mga batang may edad 5 hanggang 11 at nasa 577 na ang nababakunahan na pawang mga anak ng mga staff ng CVMC at mga may comorbidities na kabilang sa naturang age group.
Sa pagbabakuna ng mga bata, magkakaroon muna ng counseling kung saan ipapaliwanag sa bata ang bakuna, mga benepisyo nito at mga posibleng side effect.
Kasabay naman ng muling pagbubukas ng face to face consultation, sinabi ni Antonio na tuloy-tuloy ang pag-screen sa mga nagpapakonsulta sa Out Patient Department at regular emergency rooms para sa mga pasyente at bisita, maging ang pagsunod sa social distancing ng mga empleyado.