Patuloy na nadaragdagan ang mga pasyenteng tinatamaan ng COVID-19 na dinadala sa Cagayan Valley Medical Center.

Batay sa huling datos ng CVMC, umakyat pa sa 243 ang COVID-19 patients na nasa pangangalaga ng naturang pagamutan.

Mula sa naturang bilang, 218 ang confirmed cases kung saan ang 204 ay mula sa lalawigan ng Cagayan, 13 sa Isabela at isa sa Kalinga.

Nananatili naman ang Lungsod ng Tuguegarao sa may pinakamaraming kumpirmadong kaso na nasa pangangalaga ng CVMC sa bilang na 132.

Maliban dito, binabantayan naman ang 25 suspected COVID patients kung saan malaking bilang nito ay mula pa rin sa Cagayan.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na una nang inihayag ni CVMC Medical Center Chief Dr. Glen Matthew Baggao na hindi makontrol ang biglaang pagtaas ng kaso ng mga tinamaan ng virus.

Sa ngayon ay nasa mahigit dalawandaang bed capacity na ang inilaan ng ospital para sa mga COVID-19 patients sa CVMC at mayroon pang 60 na step down facility.

Muling hinimok ni Dr. Baggao ang publiko na doblehin ang pag-iingat at patuloy na sumunod sa minimum public health standards.