Tuguegarao City- Tiwala ang pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na papasa sa isinagawang assessment at final inspection ng Department of Health Central Office at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang bagong tayong COVID-19 laboratory testing center sa rehiyon.
Sa panayam kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief, umaaasa siya na ibibigay ng DOH ang permit to operate ang laboratory upang magamit ito sa lalong madaling panahon.
Batay aniya sa obserbasyon ng mga kawani ng DOH at RITM ay isa ang COVID-19 laboratory ng CVMC sa pinaka “the best” sa bansa dahil sa maayos nitong mga pasilidad.
Aniya, may tatlong RT-PCR machines ang ilalagay sa nasabing pasilidad upang mapabilis ang operasyon at paglabas ng resulta ng mga pagsusuri sa mga pasyente.
Sa ngayon ay patuloy din nilang pinaghahandaan ang inauguration ng COVID-19 testing center sa darating na Agosto 3 ngayong taon.
Sinabi pa ni Dr. Baggao na patuloy pa rin ang orientation at training ng mga karagdagang personnel na mangangasiwa sa 24 oras na operasyon nito.
Ikinatuwan din ni Dr. Baggao ang pagpasa ng senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ng panukalang batas kaugnay pagdaragdag ng bed capacity mula 500-1,000.
Umaasa ang CVMC na aaprubahan at lalagdaan naman ito ni Pangulong Rodrigo Duterte upang makapagbigay pa ng mas magandang serbisyo para sa mga pasyente ng nasabing pagamutan.
Samantala, patuloy namang minomonitor ng CVMC ang kondisyon ng 12 confirmed COVID-19 patients sa kanilang pangangalaga na kinabibilangan ng 7 pasyente mula sa Cagayan at 5 pang mula naman sa lalawigan ng Isabela.
Kaugnay nito ay 7 suspected cases din ang nasa kanilang pangangalaga na kinabibilangan ng 2 mula sa Cagayan, 1 sa Pasil, Kalinga at 4 sa lalawigan ng Isabela.
Ayon kay Dr. Baggao ay nasa maayos at stable condition naman ngayon ang mga nasabing pasyente.