Kasado na ang pagsisimula ng pagbabakuna sa mga health care worker sa mga COVID-19 referral hospital sa Region 2.

Ito’y matapos dumating ngayong hapon sa Tuguegarao City ang 10,640 doses ng SINOVAC vaccine kontra COVID-19 na donasyon ng China sa bansa.

Bukas (March 6), ipapadala ang mga supply ng SINOVAC doses sa anim na hospital sa rehiyon na kinabibilangan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC), Southern Isabela Medical Center sa Santiago City, Region 2 Trauma and Medical Center sa Nueva Vizcaya, Regional PNP Hospital at Tuguegarao City Peoples General Hospital mula sa cold storage facility ng DoH Region 2 kung saan ito idiniretso mula sa Tuguegarao City Domestic Airport.

Habang ang alokasyon para sa Batanes General Hospital ay ipapadala sa mga susunod na araw sa pamamagitan ng air travel.

Sa Linggo (March 7) isasagawa ang pagbabakuna sa mga health workers sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) kung saan mauunang mabakunahan si Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief.

-- ADVERTISEMENT --

Sa Lunes (March 8) sisimulan ang pagbabakuna sa Tuguegarao City Peoples General Hospital, PNP Region 2 Health Service Unit at Region II Trauma and Medical Center.

Sisimulan naman sa Miyerkules (March 10) ang vaccination program sa Southern Medical Center.

Kanina ay lumapag sa Tuguegarao City Airport ang Cebu Pacific lulan ang mga bakuna kasabay ng first flight matapos muling buksan ang paliparan para sa mga commercial flights.