TUGUEGARAO CITY-Umarangkada na ang pagbabakuna sa mga healthcare workers sa Tuguegarao City People’s General Hospital kaninang umaga.
Unang nagpabakuna ang apat na duktor mula sa nasabing ospital na pinangunahan ni medical chief Dr. Marcos Mallillin.
Sinabi ni Mallillin na wala siyang naramadaman na anomang adverse effect matapos siyang mabakunahan.
Sinabi pa niya na pinapangunahan nila ang pagpapabakuna upang ipakita na walang masamang epekto sa halip ay makakabuti para sa lahat ang magpabakuna laban sa covid-19.
Sinabi pa niya na ito ay upang mapawi ang pangamba ng ilan ukol sa SINOVAC vaccine at sa ibang mga brand ng bakuna.
Kasabay nito, sinabi pa ng duktor na 212 ang staff ng TCPGH subalit, 191 ang nagpahayag na sila ay magpapabakuna.
Target nilang makapagbakuna ng 40 hanggang 50 kada araw at inaasahan na matatapos ito sa loob ng tatlong linggo dahil ang iba na healthcare workers ay nasa isolation facilities pa na naka-quarantine.
Sinaksihan naman nina Mayor Jefferson Soriano, DOH Regional Director Rio Magpantay at iba pang opisyal ng lungsod ang nasabing aktibidad.
Kaugnay nito, nagpapasalamat si Mayor Soriano sa DOH dahil isa ang TCPGH na nabigyan ng SINOVAC vaccine.
Sinabi niya na isusunod naman na babakunahan ang senior citizens sa sandaling dumating na ang Astrazeneca vaccine.
Idinagdag pa niya na tuloy-tuloy din ang pagpaparehistro sa mga indigent para sa pagpapabakuna sa mga ito sa sandaling may sapat nang bakuna laban sa covid-19.
Ayon sa kanya, umaabot na sa mahigit 7,000 ang mga nagparehistro.
Samantala, sinabi ni Soriano na hindi siya kasama sa mga unang mababakunahan ng SINOVAC dahil sa wala pang 90 days buhat nang magpositibo siya sa nasabing virus.