Bumaba na sa 60% ang utilization rate o bilang ng mga naka-admit na COVID-19 patients sa mga regular rooms sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Sa kabila nito sinabi sa Bombo Radyo ni Dr. Glenn Matthew Baggao, chief ng CVMC na nanatiling mataas ang utilization rate sa Intensive Care Unit (ICU) facility ng hospital kung saan dinadala ang mga critical at severe patients na karamihan ay mga senior citizen at mayroong comorbidity.
Sinabi ni Baggao na maliban kasi sa COVID-19 ay kailangan ding magamot ang iba nilang karamdaman gaya ng hypertension, kidney disease, diabetes at iba pa.
Sa kasalukuyan ay bumaba na sa 154 ang confirmed positive cases at 13 ang suspected cases na naka-admit at ginagamot sa CVMC mula sa dating mahigit 200.
Karamihan sa mga naka-admit sa hospital ay galing sa lalawigan ng Cagayan na mayroong 107 cases, 24 sa Isabela, 5 sa Batanes at ilan naman ay mula sa ibang rehiyon.
Bukod aniya sa pagsunod sa minimum health standards, ang pagpapabakuna pa rin ang pinaka-epektibong pangontra sa COVID-19 kung kaya nabawasan ang mga pasyenteng dinadala sa pagamutan.
Paliwanag ni Baggao na mas kailangan ng publiko ang proteksyon na mula sa bakuna upang makaligtas mula sa higit na panganib na dala ng virus.
Samantala, patuloy din ang ginagawang pagtulong ng CVMC sa lalawigan ng Batanes na nakararanas ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa virus.