Nailipat na ang lahat ng mga COVID-19 patients na nasa mga tents ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa loob ng gusali ng pagamutan para matiyak ang kaligtasan dahil sa banta ng bagyong Kiko.
Ayon kay Dr. Glenn Matthew Baggao, medical center chief ng CVMC, nasa kabuuang 34 COVID patients ang inilikas, kung saan 32 rito ay inilipat sa loob ng COVID ward at dalawa sa nightingale.
Sinabi ni Dr Baggao na pinagsama-sama sa isang kwarto ang mga pasyenteng magkakamag-anak na pawang mga kumpirmadong kaso.
Ang ibang mga pasyente naman na nasa mild conditions at suspect cases o nag-aantay sa resulta ng kanilang swab test ay nasa quarantine facility na nasa likod ng CVMC.
Nakiusap din si Dr Baggao sa mga LGUs na magrerefer ng pasyente sa CVMC na tanging mga moderate to severe lamang ang kanilang tinatanggap dahil nananatiling nasa 100% ang occupancy rate sa nasabing pagamutan.
Nagtayo na rin ang CVMC ng Pre-triad sa harapan ng nightingale ward upang ma-screen ang bawat pasyente kung nararapat bang iadmit sa COVID ward.
Dagdag pa ni Dr. Baggao na nakabili na sila ng karagdagang 300 oxygen tank para sa mga severe na COVID-patients na nasa Intensive Care Unit.
Samantala, kinumpirma ni Dr. Baggao na bumaba na rin sa 194 na COVID-19 patients ang binabantayan sa CVMC, kung saan nananatili pa ring mataas ang pasyente na mula sa Tuguegarao city sa bilang na 104.