Umaasa ang Cordillera Peoples Alliance (CPA) na tuluyang mahinto ang konstruksyon ng kontrobersyal na Chico River Pump Irrigation Project sa bahagi ng Kalinga at Cagayan.

Kasunod ito ng inilabas na desisyon ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP)-Cordillera na pansamantalang ipatigil ang naturang proyekto habang wala pang nailalabas na Certificate of Pre-Condition.

Sa panayam ng Bombo Radyo, iginiit ni CPA Vice Chairman Santi Merro na magkaiba ang Certificate of Pre-Condition sa isinagawang indibidwal na paghingi ng pahintulot sa tribo.

Malinaw aniya na labag sa Indigenous Peoples Right Act ang kabiguan ng NIA-RO2 na magsagawa ng Free, Prior and Informed Concent o hindi hiningi ng gubyerno ang pahintulot ng mga katutubong maaapektuhan sa naturang proyekto.

Kasabay nito, umaasa si Merro na kakatigan ng Korte Suprema ang inihaing kaso ng Makabayan Bloc kaugnay sa legalidad ng loan agreement sa pagitan ng Pilipinas at China para sa naturang proyekto.

-- ADVERTISEMENT --