TUGUEGARAO CITY- Gagawing online at accessible ang Cagayan Provincial Learning and Resource Center dahil sa hindi pa maaaring magbukas ang mga library ngayong may pandemya dahil sa covid-19.
Sinabi ni Michael Pinto, head ng CPLRC, ito ay sa pamamagitan ng tinawag nilang Library Virtual Reference Assistance Program o L-VERA.
Ipinaliwanag ni Pinto na sa mga nagnanais na makakuha ng mga impormasyon sa library ang mga tao ng CPLRC ang magsasagawa ng research na ibibigay naman sa researcher sa pamamagitan ng e-mail, messenger chat o maaari din silang tawagan sa kanilang hotline lalo na sa mga walang internet.
Dahil dito, sinabi ni Pinto na naghahanda na sila para sa pagdagsa ng kanilang mga kliente.
Ayon sa kanya, plano nilang magdagdag ng mga tauhan kung kinakailangan upang maibigay ang sapat na serbisyo sa kanilang mga kliente.
Idinagdag pa ni Pinto na kung sakali man na wala sa kanilang library ang impormasyon na hinihingi ng isang researcher ay makikipag-ugnayan sila sa ibang library.