Pinuri ng militar ang hakbang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pagdedeklara sa Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA) na persona non-grata.

Itoy matapos aprubahan ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) ang Resolution No. 2019-02 sa pangunguna ni Gov. Manuel Mamba.

Nakapaloob sa resolusyon ang pagkondena sa mga aktibidad ng CPP-NPA na nakakasira sa kaunlaran at kapayapaan sa lalawigan.

Kasunod nito, sinabi ni Maj. Gen. Pablo Lorenzo, commanding officer ng 5th Infantry Division, Philippine Army na pag-iibayuhin nila ang seguridad sa mga apektadong komunidad sa pamamagitan ng military unit na naka-deploy sa lalawigan.

Ayon kay Lorenzo na makakaasa ang publiko sa pagbabantay at pagputol sa support system ng rebeldeng grupo.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pamamagitan din aniya ng resolusyon ay maaari nang magkasama at mabuo ang bawat inisyatibo ng bawat sektor sa iisang layunin na tuldukan ang insurhensiya.

Samantala, ilulunsad na bukas ang Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ElCAC) bilang suporta sa pagpapatupad ng Executive Order No. 70 ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan ito ang magiging whole of nation approach upang wakasan ang mga armadong pakikibaka.