Sumailalim sa training at seminar ang nasa 50 fishpond operators at crab growers sa bayan ng Buguey na pinangunahan ng Southeasten Fisheries and Development Center na nakabase pa sa Iloilo City.
Sa panayam kay Mayor Licerio Antiporda III, layunin nito na magabayan at mabigyan ng karagdagang kaalaman ang lahat ng mga mud crab growers sa kanilang bayan sa tamang produksyon at pangangasiwa sa mga ito.
Sinabi niya na itinuro ng nasabing ahensya katuwang ng BFAR Region 2 ang mga hakbang na dapat nilang gawin mula sa pangangalaga sa mga crablet, paraan ng pagpapakain hanggang sa lumaki at maibenta ang mga alimango.
Ipinunto ni Antiporda na sa ganitong paraan ay mas matututukan pa ng LGU Buguey ang pagpaparami at pagpapaangat ng produksyon ng alimango sa kanilang bayan dahil ito ay isa sa kanilang maipagmamalaking produkto.
Inihayag nito na ngayong taon ay bahagyang bumaba ang produksyon ng mud crab sa kanilang bayan dahil sa kakulangan ng mga ipinapakain sa mga ito dahil pinagbawalan na ang mga commercial boats na mangisda kung saan dito nila binibili ang mga reject at maliliit na isdang ipinapakain sa mga alimango.
Gayonman, sa tulong naman aniya ng BFAR gamit ang makabagong teknolohiya ay unti-unti naman itong nasusolusyonan dahil nagpoproceso na rin ngayon ng mais na maaring ipakain sa mga ito dagdag pa ang mga janitor fish na nakukuha sa ilog.
Sa ngayon ay mahigpit na ipinatutupad sa bayan ng Bugeuy ang crablet ban, kung saan pinagbabawalan ang lahat na mag-angkat o magluwas ng mga crablet at dalhin sa ibang mga probinsya.
Ito ay pinagtibay sa pamamagitan ng ordinansa na tatagal ng limang taon at sinumang lalabag ay may multang P2500 at pagkakakulong ng hanggang anim ba buwan.