Nagbabala ang grupong BAN Toxics sa paggamit ng beauty products lalo na ang mga pampaputi na ibinebenta dito sa lungsod ng Tuguegarao na may sangkap na sobra-sobra sa mercury standard.

Sinabi ni Thony Dizon, toxics campaigner ng nasabing grupo na ito ay matapos na matuklasan nila sa kanilang pagbisita sa isang shop ng bueaty products sa Tuguegarao na may ibinebenta na Goree cream na ginagamit na pamputi ng kili-kili na may 20, 000 parts per million ng mercury na sobra-sobra sa dapat ay 1 part per million lamang.

Iginiit ni Dizon na ang sobra-sobrang mercury sa nasabing produkto ay delikado sa kalusugan ng gumagamit nito.

Sinabi ni Dizon na ang nasabing produkto ay ipinagbawal na ng Food and Drug Administration noon pang 2017, kaya nagtataka sila kung bakit may mga nagbebenta pa rin sa mga ito.

Dahil dito, pinayuhan niya ang mga mamimili na maging mapanuri sa kanilang mga binibili at alamin kung ang mga ito ay certified o registered.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Dizon na sa kanilang pagbisita sa Cagayan Valley Medical Center para ipakilala ang kanilang proyekto na Healthcare Waste Management ay nakita nila na maayos naman ang pangangasiwa ng ospital sa kanilang mga basura lalo na ang medical wastes.

Gayonman, sinabi niya na kailangan pa rin na palalimin ito sa pamamagitan ng kanilang proyekto.