Ipinagmalaki ng hepe ng Abulug Police Station ang pagbaba ng index crime sa kanilang bayan sa talakayan sa programang Good Morning Philippines sa Bombo Radyo.
Sa datos na ibinihagi ni Pol. Maj. Ronald Ballod, hepe ng PNP-Abulug, mula Enero hanggang Abril ngayong taon, bumaba ang naitalang crime index sa dalawa kung ikukumpara sa apat noong nakaraag taon sa parehong period.
Ang index crime ay kinabibilangan ng mga crimes against person tulad ng murder, homicide, physical injury at iba pa gayundin ang crimes against property tulad ng robbery, theft, carnapping at iba pa.
Sa kabila nito tumaas naman ang naitalang non-index crime na mayroong labindalawa ngayong taon kumpara sa apat lamang noong 2018.
Ang non-index naman ay mga paglabag sa mga special laws tulad ng mga local ordinances at illegal logging.
Sinabi ni Ballod na ang pagtaas ng crime volume mula sa naitalang 14 ngayong taon kumpara sa 8 noong 2018 ay dahil sa mga ginagawang intervention ng pulisya laban sa kriminalidad.
Kasabay nito, muling pinalalahanan ni Ballod ang mga residente na laging sumunod sa batas lalo na sa barangay ordinance may kaugnayan sa liquor ban sa ilang mga barangay.
Bukod sa regular na pagpapatrolya, patuloy rin ang pagsasagawa ng kapulisan ng barangay visitation at oplan bakal sita sa mga establisyimento.