
Nasawi ang isang Criminology student habang sugatan naman ang kanyang kapatid matapos mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Bontoc, Mountain Province madaling-araw ng Linggo, Enero 18, bandang alas-2:30 ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Janel Balac Palacio, habang ang kanyang kapatid ay kinilalang si Jeryx Kian Balac Palacio.
Batay sa imbestigasyon ng Bontoc Municipal Police Station., minamanehi ni Jeryx ang motorsiklo mula Barangay Bontoc III papuntang Sitio Dantay, Barangay Alab Oriente nang lumampas ito sa kurbadang bahagi ng kalsada. Dahil dito, tuluyang nahulog ang motorsiklo sa isang bangin sa gilid ng daan.
Natagpuan si Janel na naipit sa pagitan ng mga puno ng kawayan may limang metro ang lalim mula sa kalsada. Isinugod pa siya sa Bontoc General Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Samantala, patuloy namang ginagamot sa ospital ang kanyang kapatid na si Jeryx Kian na nagtamo ng mga sugat sa katawan.
Ang magkapatid ay kapwa residente ng Barangay Dalimuno, Bantay, Tabuk City, Kalinga.










