Inilunsad ng Cagayan State University (CSU) Lal-lo Campus ang kanilang Coffeehub Café and Hacienda Valena Viewdeck project na isang hakbang para palakasin ang industriya ng kape dito sa Lambak Cagayan.

Sinabi ni Dr. Arthur Ibañez, officer in-charge ng unibersidad na ang coffee hub café ay hindi lamang ipapakita ang originally blended coffee sa halip magsisilbi rin itong showroom para sa coffee-based food products at training ground ng mga mag-aaral.

Ayon kay Ibañez na ang mga hakbangin na ito ay bahagi ng P5-million Research, Instruction, Production and Extension (Ripe) Coffeehub Project ng CSU Lal-lo na naglalayong isulong ang sustainable coffee production at processing sa campus’ Coffeehub Café at Hacienda Valena Viewdeck.

Ang Hacienda Valena Viewdeck ay idinisenyo upang maging katulad ng iconic na Magapit bridge sa Lal-lo at mag-aalok sa mga bisita ng nakakamanghang tanawin ng plantasyon ng kape ng campus.

Sa isinagawang ground breaking, isinabay ang pagtatanim ng mga punla ng kape na nilahukan ng mga opisyal ng campus at LGU Lal-lo.

-- ADVERTISEMENT --

Nilagdaan ang memorandum of understanding sa pagitan ng CSU at ng local government unit (LGU) ng Lal-lo, gayundin ng CSU at Magapit National High School at Barangay Logac.

Sinabi ni Ibañez na ang mga kasunduan ay nakatuon sa mga proyekto tulad ng road improvement para sa Valena Coffee Plantation at community empowerment sa pamamagitan ng coffee production.

Kasama rin sa partnership ang supply ng roasted and blended Oliviante Original CSU Blend Coffee Beans para sa LGU coffee shop na Café Nueva Segovia.

Inihayag ni Ibañez na ang tuluy-tuloy na development ng unibersidad sa bayan ng La-lo sa pamamagitan ng Ripe Coffeehub Program ay hudyat ng magandang kinabukasan para sa unibersidad at munisipalidad ng Lal-lo dahil sa innovation, sustainability at community empowerment.