Tuguegarao City- Kumbinsido ang walong campuses ng Cagayan State University (CSU) sa pag-upo bilang presidente ng unibersidad ni Dr. Urdujah Alvarado.

Ito ay sa pamamagitan ng pagkakaluklok nito sa ilalim ng pagsang-ayon ng mga Board of Regents (BOR) ng unibersidad.

Kaugnay nito, naglabas ng Resolution ang CSU na kumikilala kay Dr. Alvarado bilang kasalukuyang presidente na nilagdaan naman ng mga Campus Executive Officers (CEO) ng bawat campus ng CSU.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Fr. Ranhilio Aquino, Vice President for Administration and Finance ng nasabing unibersidad, kusang loob ang pagtanggap ng pamunuan ng bawat campuses kay Dr. Alvarado.

Ipinunto niya na bilang paggalang sa hukuman ay ipinauubaya na nila sa husgado ang mga desisyong dapat na masunod para sa kapakanan ng unibersidad at mga mag-aaral.

-- ADVERTISEMENT --

Gayonman, tiniyak ni Fr. Aquino ang magandang pamamalakad ng administrasyon sa unibersidad sa pamamagitan ng pagtutok sa mga proyektong makakatulong sa mga mag-aaral at komunidad.

Kabilang na rin dito ang pagtutok at pag-sasaayos pa sa blended learning modalities ng unibersidad para sa mga estudyante.

Ang tinig ni Fr. Aquino
photo credit:csu

Samantala, ayon naman kay Julieta Paras, Regional Director ng Commission on Higher Education (CHED) Region 2, karapatan ng mga pamunuan na suportahan ang administrasyon ngunit nanatiling walang valid appointment paper bilang presidente si Dr. Alvarado mula pa noong Oktubre 8, 2020.

Kaugnay nito, naglabas siya ng kautusan na tanging ang mga direktiba o orders ay magmumula lamang sa kanyang tanggapan bilang OIC President ng unibersidad.

Ang tinig ni Dir. Paras

Iginiit pa niya na siya pa rin ang final signatory sa lahat ng mga dokumento ng unibersidad at lahat ng pipirmahan ni Dr. Alvarado ay magiging null and void lamang dahil wala aniya siyang legitimate authority.

Inihayag naman nito na sakaling makapagpapakita na ng valid appointment paper si Dr. Alvarado ay maaari na siyang bumaba sa pagiging OIC President ng CSU anumang oras.

Ang tinig ni Dir. Paras

Maalalang itinalaga bilang OIC President ng CSU si Paras kamakailan sa pamamagitan ng kautusan ng CHED En Banc.