Tuguegarao City- Ikinagalak ng pamunuan ng Cagayan State University (CSU) ang pagiging nationwide top 2 performing school nito sa katatapos lamang na 2021 Medical Technologist Licensure Examination.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Urdujah Alvarado, University President, nakakuha ang CSU ng 97.62% na institutional passing rate mas mataas kumpara sa national passing rate na 67.69%.
Aniya, mula sa 125 examinees ay 123 ang pumasa at kasama pa rito ang tatlong mapalad na nakapasok sa top 10.
Nakapasok sa Top 8 si Clarisse Althea Adduru, Top 9 si Tom Kairo Paquing at Top 10 naman si Albright Dew Baua.
Nabatid na makakatanggap naman ng P10-15K na insentive ang tatlong top notches ng unibersidad.
Dahil dito ay tiniyak ni Alvarado ang pagpapatupad ng mga polisiya alinsunod sa standards ng unibersidad upang mapanatili ang pagkakapabilang nito sa mga nangununang unibersidad sa bansa sa larangan ng Medical Technology.
Halimbawa aniya dito ay sakali man na may tatlong subjects bumagsak na subjects ang mag-aaral ay irereffer ito sa ibang kurso na may pahintulot din mula sa kanilang mga magulang.
Hindi rin nila pinapayagang sumailalim sa internship ang isang mag-aaral nang hindi natatapos ang lahat ng mga academic requirements nito.
Inihayag pa niya na lalo pa nilang tinututukan ang kanilang mga mag-aaral sa blended learning system na umiiral ngayong panahon ng pandemya.
Samantala, nakuha naman ni Tiffany Jane Cabildo ng Medical College of the Northern Philippine (MCNP) ang pagiging top 3 habang top 7 naman si Jaque Andrei Ramos ng Saint Paul University Philippines Tuguegarao.