TUGUEGARAO CITY-Muling namamayagpag ang Cagayan State University (CSU) sa katatapos lamang na electrical engineering board examination matapos mapabilang sa top four nationwide.
Ayon kay Dr. Urduja Tejada, presidente ng CSU,labis ang kanyang kasiyahan nang malaman ang magandang resulta ng examinasyon.
Aniya, bagamat 44 lamang ang nakapasa mula sa 46 na sumailalim sa examinasyon, labis parin ang kanyang pasasalamat sa mga estudyante sa magandang resulta maging sa mga professors ng mga ito.
Nakuha ng CSU ang pang-apat na pwesto nationwide na may percentage na 95.65 percent kung saan nakuha ng University of the Philippines-Los Baños ang unang pwesto.
Kaugnay nito, sinabi ni Tejada na mas lalo pang paiigtingin ng kanilang unibersidad ang mga rules and regulation ng unibersidad maging sa pagpili ng mga kapartner na review center para mapanatili ang magandang resulta sa mga gagawing pagsusulit.
Sinabi ni Tejada na taon taon ay nagsasagawa ng screening ang College of Engineering (COE) maging sa ilang departamento at tuloy-tuloy ang monitoring sa mga estudyante para masigurado na maganda ang performance sa kanilang mga klase.
Matatandaan,nitong buwan ng Marso ngayong taon nang masungkit ng CSU ang unang pwesto nationwide sa Medical Technology kung saan nakapasa lahat ang mga sumailalim sa nasabing pagsusulit.