Tuguegarao City- Inaprubahan na ng Tuguegarao City Council ang ordinansa kaugnay sa pagpapatupad ng curfew hours mula alas dose ng madaling araw hanggang alas kwatro ng umaga.
Sa panayam kay Vice Mayor Bienvenido de Guzman, ito ay upang mabigyan ng sapat na oras ang mga manggagawa maging ng mga negosyante na maghanda sa kanilang mga puwesto at makauwi mula sa trabaho.
Ang nasabing hakbang ay bilang pagtalima rin ng LGU Tuguegarao sa direktiba ng Department of Trade and Industry (DTI) upang palakasin ang ekonomiya ng bansa.
Sinabi pa nito nakapaloob pa rin sa ordinansa ang mga ipapataw na parusa kung saan kabilang dito ang community service at multa ng mula dalawa hanggang tatlong libong piso.
Muli namang nilinaw ng opisyal na hindi pa rin pinapahintulutang lumabas ang mga non-working resident na edad 20 pababa at 60 pataas bilang pag-iingat laban sa virus.
Nanawagan pa ang bise mayor sa mga may-ari ng establishimento at mga manggagawa na sumunod sa mahigpit na pagpapatupad ng mga precautionary health standards laban sa COVID-19.