
Ipinahayag ng kontratistang si Pacifico “Curlee” Discaya II na pakiramdam niya ay “ninakawan” siya matapos umanong hilingin sa kanya na ibalik ang pera sa gobyerno bilang kundisyon upang makapasok sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ).
Ito ay sinabi ni Discaya sa gitna ng mainitang palitan nina Senador Rodante Marcoleta at Prosecutor General Richard Anthony Fadullon sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes, na tumalakay sa isyu ng restitution o pagbabalik ng umano’y ill-gotten wealth ng mga aplikante sa WPP.
Dagdag pa niya, tila aniya ay modernong anyo ng pagnanakaw ang hinihinging pagbabalik ng pera.
Mariin namang itinanggi ng Prosecutor General ang pahayag ni Curlee Discaya na agad silang inutusang magbalik ng ill-gotten wealth, at tinawag itong kasinungalingan.










