Nagsimula na sa kanilang rescue mission ang medical team na ipinadala ng Cagayan Valley Medical Center sa lalawigan ng Abra na malubhang tinamaan ng magnitude 7.0 na lindol kamakailan.

Ayon kay CVMC medical center chief Dr. Glenn Mathew Baggao na nanguna sa CVMC Abra Response Team , nakadeploy ngayon ang grupo sa Abra Provincial Hospital bilang kapalit ng medical team mula Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Ilocos Sur para magbigay ng atensyong medikal sa mga pasyenteng naapektuhan ng malakas na lindol.

Bagamat nasira ang naturang ospital dahil sa pagyanig, sinabi ni Baggao na ang mga pasyente ay kasalukuyang ginagamot sa mga DOH-tent sa labas ng ospital.

Sa labas rin ng ospital nag-set up ng tent ang response team ng CVMC na binubuo ng kabuuang 44 na mga kawani na kinabibilangan ng mga doctors at espasyalista, nurses, pharmacist, at drivers.

Kasama din sa grupo ang mga psychiatrists at psychologists na magsasagawa ng mental health at psychosocial services sa mga na-trauma sa naranasang malakas na lindol.

-- ADVERTISEMENT --

Dala rin ng ng grupo ang ibat-ibang mga kagamitan, gamot at kanilang food supplies.