Muling lumagda sa kasunduan ang Cagayan Valley Medical Center at Eye Bank Foundation of the Philippines, Inc. upang higit pang palawakin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng corneal o eye donation.

Ayon kay Ivo John Dualan, nananatiling mababa ang awareness ng mga Pilipino hinggil sa tissue donation, dahilan upang humaba ang pila ng mga pasyenteng nangangailangan ng corneal transplant dahil sa kakulangan ng donor.

Aniya, isa sa mga hamon ay ang kakulangan ng kaalaman ng publiko, pati na ang pag-aatubili ng ilang pamilya na mag-donate ng cornea ng kanilang yumaong mahal sa buhay, kahit may pahintulot na ito noong nabubuhay pa.

Samantala, sinabi ni Kris Zanna Acluba-Arao na patuloy nilang pinapalakas ang information campaign upang mahikayat ang mas maraming donor, sa kabila ng mga paniniwala at kulturang hadlang sa ganitong desisyon.

Sa ilalim ng pinalakas na kasunduan, hindi lamang extraction at testing ng cornea ang saklaw kundi pati ang pagsasanay sa mga health worker sa tamang paraan ng pakikipag-ugnayan sa mga pamilya ng pasyente.

-- ADVERTISEMENT --

Mula nang magsimula ang partnership noong 2019, pitong donor na ang naitala, na nagresulta sa 14 na cornea at walo sa mga ito ang naipantulong upang maibalik ang paningin ng mga pasyente.

Umaasa ang dalawang ahensya na sa pamamagitan ng pinalawak na kampanya, mas marami pang Pilipino ang mahihikayat na magbigay ng “regalo ng paningin” sa mga nangangailangan.