Umapela ang pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center sa mga district at private hospitals sa Region 2 na maglaan ng kanilang 30% bed capacity para sa mga mild cases na COVID-19 patients dahil puno na ang COVID ward sa CVMC.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Glenn Matthew Baggao, medical center chief ng CVMC, nasa kabuuang 107 ang mga pasyenteng positibo sa COVID-19 at 27 na pinaghihinalaang may coronavirus ang kasalukuyang ginagamot sa kanilang COVID ward.
Sa mga pasyenteng nagpositibo sa virus, 39 ang mild cases, 40 ang moderate, 12 ang severe habang 6 ang nasa kritikal ang kondisyon.
Kasabay nito, hinikayat ni Dr. Baggao ang mga Local Government Units na i-isolate ang mga pasyenteng mild o asymptomatic sa mga inilaang quarantine facilities, maliban na lang sa mga vulnerable o may comorbidities na maaari namang gamutin sa mga level 1 hospitals o pribadong ospital.
Sa pinakahuling datos ng CVMC, karamihan sa COVID-19 patients na nasa pagamutan ay mula sa lalawigan ng Cagayan sa bilang na 77; Isabela sa 25 at lima mula sa probinsiya ng Apayao, Kalinga at Tarlac.
Sa naturang bilang, limang pasyente pa ang nakarekober sa virus ngunit nakatakdang ilipat sa ibang ward ng CVMC dahil sa iba pang sakit.
Habang sa suspected cases ay 17 mula sa Cagayan; 7 sa Isabela at 3 sa Kalinga.
Sa harap ng patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases, sinabi ni Dr. Baggao na ramdam nito ang kapaguran at sakripisyo ng mga health workers mula nang tamaan ang bansa ng pandemya at lumubha pa ang kanilang sitwasyon ngayon.
Nakakalungkot aniya dahil marami ngayon ang tinatamaan ng COVID kung saan ikinabahala din niya na hindi na rin makakatanggap ng mga bagong pasyente ang iba pang pangunahing ospital sa rehiyon tulad ng Southern Isabela Medical Center at Region 2 Trauma and Medical Center sa Nueva Vizcaya dahil puno na rin ang kanilang COVID-19 ward.
Kasabay nito, may plano na ang CVMC na magdagdag ng kama na ilalaan para sa covid at non-covid patients.