Tiniyak ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang kahandaan nito sa mga posibleng mabibiktima ng paputok sa Pasko at pagsalubong ng Bagong Taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni dr. Glenn Matthew Baggao, medical center chief na nagdagdag na ang ospital ng doktor at nurses sa emergency room na sasalo sa mga pasyente ng paputok.

Naka-standby na rin ang mga apparatus na gagamitin sa mga maooperahan dahil sa paputok.

Maliban dito ay nilinaw ni Dr. Baggao na hindi lang sa firecracker injuries handa ang CVMC kundi pati na rin sa mga sakit na madalas nangyayari sa selebrasyon ng Pasko at bagong taon gaya ng highblood at mga aksidente sa lansangan.

Kasabay nito, nagpaalala si Dr. Baggao laban sa mga sakit na posibleng lumala o makuha dahil sa sobrang pagkain ngayong Kapaskuhan.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, maghinay-hinay sa pagkain ng matatamis at matatabang pagkain lalo na at kabi-kabila ang mga handaan tuwing Pasko.

Hinikayat rin ng doktor ang publiko na gumamit ng mga alternatibong pampaingay sa pagsalubong ng Bagong Taon sa halip na mga paputok.