Hinimok ngayon ng Cagayan Valley Medical Center o CVMC ang mga kalalakihan na magpakonsulta at sumailalim sa screening kontra prostate cancer.

Ginawa ni Dr. Randy Pasco, medical specialist ng Department of Surgery ng naturang pagamutan ang panawagan alinsunod sa pagdiriwang ng Prostate Cancer Awareness Month ngayong buwan ng Hunyo.

Ayon kay Dr. Pasco na batay sa pag-aaral, ang prostate cancer ay pinakakaraniwan sa mga taong higit sa 50 taong gulang.

Sinabi niya na karaniwan itong lumalaki nang mabagal at hindi nagdudulot ng mga problema sa kalusugan na kadalasang hindi alam na mayroon na pala ang isang lalaki ng sakit na ito na pwedeng mauwi sa isang malalang kundisyon.

Ipinayo ni Dr. Pasco na napakahalaga ang early detection sa naturang sakit para ito ay malunasan kung kayat hinikayat niya ang mga kalalakihan na magpasuri sa mga eksperto pagtuntung sa edad na 40 lalo na kung mayroong lahi o kamag-anak na mayroong prostate cancer.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag ng eksperto, maituturing na sintomas ng late stage ang pananakit ng balakang, hirap o may dugo sa pag-ihi.

Ayon sa Department of Health ika-apat sa pinakakaraniwang uri ng kanser sa mga kalalakihan sa Pilipinas ang prostate cancer kasunod ng lung at colorectum cancer.