Nakatakdang bumiyahe patungong Abra ang 40 medical workers ng Cagayan Valley Medical Center bilang karagdagang workforce sa Abra Provincial Hospital sa araw ng Martes.
Itoy kasunod ng kakulangan ng mga health workers at suplay ng gamot bunsod ng pagdami ng mga pasyenteng biktima ng magnitude 7.0 na lindol na tumama kamakailan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni CVMC Medical Center Chief Dr. Glenn Mathew Baggao na pangungunahan nito ang medical team na binubuo ng mga doctors mula sa family medicine, surgery, orthopedic at psychiatrist.
Kasama rin ng grupo ang mga nurses, Health Emergency Management (HEM) staff ng CVMC, medical supplies tulad ng mga gamot, anesthesia machine at dalawang ambulansiya na magagamit upang masundo ang mga pasyente na mula sa mga isolated na Barangay.
Sinabi ni Baggao na magdadala rin ang grupo ng kanilang pagkain at tagapagluto, kasama na ang dalawang malaking tent na magsisilbing quarters ng medical team upang hindi na magiging pabigat doon.
Pinasalamatan naman ni Baggao si Dr. Cherry Lou Antonio, Chief Medical Profesisonal Staff ng CVMC na siyang nag-organisa sa medical team na ipapadala bilang bahagi ng programa ng ospital sa pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad.
Tiniyak din ni Baggao na hindi makakaapekto sa operasyon ng CVMC ang pagpapadala ng medical staff at maliit na porsyento lamang ito sa mahigit 2,000 kawani ng ospital.
Nabatid na nauna na ring ipinadala sa Abra ang medical team mula sa Mariano Marcos Memorial Medical Center ng Ilocos Norte at Ilocos Training and Regional Medical Center sa La Union.
Samantala, sinabi ni Baggao na tinatayang nasa halos P12 milyon ang halaga ng magagastos para sa pagkukumpuni ng mga nakitang bitak sa istruktura ng CVMC batay sa isinagawang inspeksyon ng engineering department kasunod ng lindol na naramdaman din sa Cagayan.