Muling napasakamay ng Cagayan Valley Medical Center ang tatak ng kahusayan, matapos makapasa sa ISO surveillance audit para sa Quality Healthcare na pinangunahan ng PT A CUBE AUDITORS.
Ang nasabing certification ay itinuturing na pandaigdigang pamantayan para sa quality healthcare services ng isang ospital at sumasalamin sa mabuti at maayos na mga sistema tungo sa de kalidad na serbisyo sa mga pasyente nito.
Ayon kay CVMC Medical Center Chief Dr. Cherry Lou Antonio, ang muling pagtatagumpay na makamit ng ospital ang panibagong ISO certification ay nagpapakita na nakakapantay ang mga proseso at pasilidad nito sa pandaigdigang pamantayan.
Ang nasabing ISO certification ay nagpapakita ng abilidad ng ospital na magampanan ang inaasahang serbisyo para sa mga taong pinaglilingkuran nito.
Kasabay nito ay binati ni Antonio ang mga kawani ng ospital sa kanilang dedikasyon sa pagbibigay ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa rehiyon at sa pagpapanatili ng pinakamataas na pamantayan ng kahusayan.
Samantala, nagbabala si Antonio sa inaasahang epekto ng tag-init sa kalusugan gaya ng heat stroke, heat exhaustion, pamumulikat, heat rush o pagkakaroon ng pantal-pantal, kasama na ang dengue.
Upang makaiwas sa sakit, pinayuhan ni Antonio na uminom ng sapat na dami ng tubig upang manatiling hydrated, magsuot ng mga damit na manipis o may komportableng tela, at iwasang magbilad sa araw o kung kinakailangan lumabas ay panatilihing gumamit ng sunscreen, payong o sumbrero at ugaliing maligo araw-araw.
Nakahanda rin ang CVMC sa mga isusugod na pasyente may kaugnayan sa heat related illnesses habang nananatiling bukas ang dengue fast lane sa naturang pagamutan kung saan may sapat na gamot at kagamitan para sa mga pasyenteng may dengue.
Kasabay naman ng selebrasyin ng Womens Month, inanunsyo ni Antonio na kabilang sa mga inihandang aktibidad ay ang libreng OB-Gyne check up bilang suporta sa kapakanan at pagpapahalaga sa mga kababaihan.