Naglaan ng libreng sakay ang Cagayan Valley Medical Center sa kanilang mga empleyado kaugnay sa ipinatutupad na Luzon lockdown kung saan suspendido ang pampublikong transportasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, CVMC medical center chief na nagsimula na ang pagbiyahe ng 4 na van na magbibigay ng free ride sa mga frontline health workers na nahihirapang pumunta sa ospital at makauwi dahil sa suspensyon ng biyahe ng pampublikong sasakyan.
Ang biyahe ng mga sasakyan ay magsisimula sa apat na sulok ng Tuguegarao City bago mag-alas 7:00 ng umaga patungo sa CVMC at pabalik ng alas 3:00 ng hapon para sa uwian hanggang sa mga papasok para sa night shift.
Bukod pa rito, may libreng sakay din na ibinibigay ang ilang mga empleyado mula sa ibat-ibang section o unit ng pagamutan na may sariling sasakyan.
Tiniyak ni Baggao na ipinatutupad ang social distancing sa mga pasahero upang makaiwas sa nakamamatay na virus.
Samntala, hihilingin din ni Baggao sa pamunuan ng Cagayan State University na ipahiram sa pagamutan ang kanilang mga E-trike.
Bukod sa free shuttle service, may inilaang apat na kwarto ang CVMC bilang pansamantalang dormitoryo ng mga empleyadong hindi makakauwi sa kalapit na bayan.
Samantala, sinabi ni Baggao na ipinatupad na rin sa mga opisina ng pagamutan ang ‘work from home arrangement’ na magsisilbing skeletal workforce.
Sa ngayon, nananatiling COVID-19 free ang buong rehiyon dos.