Inilunsad ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang online services para sa mga outpatients sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Dra. Cherry Lou Antonio, chief medical professional staff ng CVMC na sa pamamagitan ng “CVMC-OPD” online services ay hindi na kailangang magtungo sa ospital ang mga ‘out patients’ dahil lahat ng concerns ay maaari nang sagutin online.
Aniya may mga doktor mula sa siyam na clinical department ng CVMC ang tutugon sa katanungan ng mga pasyente.
Sa pamamagitan nito, umaasa si Dra. Antonio na mababawasan ang mga magtutungo pa sa ospital para lamang sa konsultasyon.
Maaaring kumunsulta sa kanilang Facebook page na CVMC_Outpatient Department, (fb.me/cvmcoutpatientdepartmentregion2 o di kaya’y magpadala ng mensahe sa m.me/cvmcoutpatientdepartmentregion2).
Pinayuhan din ni Dra Antonio ang kanilang mga kliyente lalo na sa mga may follow-up check-up at iniinom na gamot na magpadala ng mensahe sa nabanggit na facebook page.
Ire-refer sa mga Municipal o Rural Health Unit ang mga kliyente na kailangang matingnan ng doctor habang limitado ang pagbiyahe ng mga mamamayan dahil sa home quarantine.
Habang patuloy naman ang out patient services ng cancer center kung saan nakipag-ugnayan ang CVMC sa mga local government units para sa transportasyon ng mga cancer patients na nangangailangan ng agarang medical na atensiyon.