Tuguegarao City- Nagpasalamat ang pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa ginagawang pagsulong ni Sen. Bong Go sa senado upang iupgrade ang naturang pagamutan.
Ito ay sa layuning matugunan ang mga serbisyong dapat ipaabot sa dumaraming bilang ng mga pasyente ng CVMC.
Sa panayam kay Dr. Glenn Mathew Baggao, nakapaloob sa isinusulong na batas ang pagdaragdag ng occupancy rate mula 500 hanggang 1000 bed capacities.
Sinabi ni Dr. Baggao na ito ay napapanahon na dahil sa maraming mga serbisyo na rin ang ipinapaabot ng hospital sa publiko.
Sakali aniyang maipasa ito ay mangangailangan pa ang naturang pagamutan ng karagdagan pang mga medical staffs.
Ayon pa sa kanya ay mayroong 1,300 regular staffs ang CVMC habang aabot sa mahigit 500 naman ang bilang ng mga contractual.
Ang nasabing panukala ayon pa kay Dr. Baggao ay isang magandang hakbang upang hindi makompromiso ang pagbibigay ng magandang kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa mga pasyente.
Maalalang naglabas ng sponsorship speech si Sen. Bong Go kaugnay sa paghikayat sa kanyang kapwa mambabatas na suportahan ang pagpasa sa panukalang batas na isinusulong sa nakalipas na pagdinig sa senado.