TUGUEGARAO CITY-Nagsasagawa na ng orientation and counseling ang Cagayan Valley Medical Center sa mga empleado nito tungkol sa pagbabakuna sa mga ito laban sa covid-19.

Kaugnay nito, sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC, ang mga nakatalaga sa covid ward ang inuuna sa nasabing hakbang upang ihanda ang mga ito kung sakali na available na ang bakuna para sa mga healthworkers.

Sinabi ni Dr. Baggao na mahigit 2,000 na empleado kabilang na ang mga contractuals ang mababakunahan sa CVMC.

Ayon pa kay Dr. Baggao, sa ngayon ay wala pa naman siyang naririnig na may mga empleado na ayaw magpabakuna.

Tiniyak din niya na may mga trained na mga personnel ang CVMC na gamay na sa pagbibigay ng bakuna hindi lamang sa covid-19 kundi maging sa iba pang bakuna na silang magsasagawa ng pagbabakuna sa CVMC.

-- ADVERTISEMENT --

Umaasa din si Dr. Baggao na mapapabilang ang mga empleado ng CVMC sa mga mauunang mabibigyan ng bakuna kung magiging available na ito sa ating bansa.

Iginiit niya na kailangan na agad na mabakunahan ang mga empleado ng CVMC para sa kanilang proteksion laban sa covid-19.

Kasabay nito, sinabi ni Dr. Baggao na bagamat gusto niyang siya ang unang mabakunahan ay ayaw naman niyang sirain ang prioritization plan na ginawa ng binuo nilang vaccination team.

Sinabi pa ni Dr. Baggao na aaubutin ng dalawang hanggang tatlong buwan ang vaccination sa mga empleado ng CVMC dahil hindi naman sabay-sabay ang gagawing pagbabakuna.

Samantala, sinabi ni Dr. Baggao na may mga nurses at nurse attendant na naka-confine ngayon sa CVMC dahil sa covid-19.

Subalit nilinaw niya na nakuha ng mga nasabing medical staff ang virus sa community at hindi sa ospital.

Kaugnay nito, sinabi ni Dr. Baggao na umaabot ngayon sa 104 ang covid-19 patients ngayon ang nasa CVMC.

Sa nasabing bilang, 88 ang confirmed cases habang 16 naman ang suspected cases.

Mula sa 88 na confirmed cases, 58 ang mula sa Cagayan, 22 sa Tuguegarao, 20 sa Isabela at 10 mula sa Cordillera Administrative Region.

Dahil dito, sinabi niya na nagdagdag pa sila ng beds para sa mga pedia patients na may covid-19.