TUGUEGARAO CITY-Nakapagtala ng kauna-unahang nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19)ang probinsiya ng Cagayan.

Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC), ang nasawi ay isang 49-anyos na lalaki na mula sa bayan ng Tuao.

Aniya, dumating ang pasyente sa Cagayan noong Hulyo 5, 2020 mula sa Tondo, Manila kung saan agad na nagpakonsulta sa Tuao District Hospital dahil sa kanyang ubo at nakaranas ng hirap sa paghinga.

Agad namang inilipat sa CVMC at isinailalim sa swab test kung saan noong Hulyo 10, 2020 ay lumabas ang resulta na siya’y positibo sa virus.

Sinabi ni Baggao na bago pa man umuwi sa probinsiya ang pasyente ay inirekomenda na sa kanya na sumailalim sa dialysis ngunit hindi ito pumayag kung kaya’t sa CVMC na ito sinimulan dahil sa komplikasyon ng kanyang mga sakit.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na bago pa ma-admit ang pasyente sa pagamutan ay hindi na maganda ang kondisyon nito dahil sa iba’t-ibang karamdaman tulad community-acquired pneumonia, Chronic kidney disease na nasa stage 5 na, diabetes, malala na rin ang kanyang anemia at mayroon din siyang tuberculosis.

Ililibing ang pasyente sa loob ng 12 oras bilang protocol sa mga covid- patient para maiwasan ang pagkalat ng virus.

Tinig ni Dr. Glenn Mathew Baggao

Samantala, mayroong 17 confirmed cases ang kasalukuyang minomonitor sa CVMC kung saan walo ay mula sa Cagayan partikular sa bayan ng Lal-lo na mayroong dalawang kaso, apat sa Enrile, isa sa Iguig at isa sa Gonzaga habang siyam sa probinsiya ng Isabela at limang suspected cases.