May tatlong fireworks-related injury na naitala ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) kasabay ng pagsalubong ng bagong taon.
Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, lahat ng mga pasyenteng nasugatan dahil sa paputok ay nasa ligtas namang kondisyon matapos na magtamo lamang ng minor injuries.
Kabilang sa mga nailulat na nasugatan ang isang 15 anyos na lalaki na mula sa Tuguegarao City na nagtamo ng sugat sa daliri, isang 35 anyos na lalaking mula sa Enrile na nasugatan din sa daliri at isa pang pasyente na mula sa Solana, Cagayan na nagtamo rin ng sugat sa kamay.
Ayon kay Dr. Baggao, agad rin na pinauwi ang mga nasabing pasyente matapos na malapatan ng kaukulang lunas ang kanilang mga sugat habang umaasa siya na hindi na ito madaragdagan pa sa mga susunod na araw.
Inihayag pa niya na nakapagtala rin ang CVMC ng tatlong vehicular accident at lahat ng mga sangkot dito ay dahil sa kalasingan.
Mayroon din aniyang apat na new year babies ang isinilang kung saan tatlo sa mga nanganak na ina ay mula sa Penablanca at isa sa kanila ang cesarean habang may isa ring ina na nagsilang ng sanggol na mula sa Brgy. Annafunan dito sa lungsod.
Bukod dito, mayroon ding mga pasyente ang naisugod sa pagamutan dahil sa Hypertension kung saan isa ang naiulat na na-stroke.