Nangangailangan ng karagdagang healthcare workers ang Cagayan Valley Medical Center bilang paghahanda sa pagbubukas ng laboratoryo para sa coronavirus disease (COVID-19) tests sa naturang pagamutan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC na kailangan nila ng karagdagan pang 2 doctors, 10 administrative assistant II, 25 medical technologists at 8 laboratory technologists.

Ito’y upang masiguro ang 24-hours na operasyon ng testing center sa oras na magbukas ito ngayong buwan ng Hunyo habang tinatapos na ang proseso para sa accreditation nito.

Bukas, inaasahang makabalik na ang mga medical technologist na hahawak sa laboratoryo matapos magsanay sa Baguio City sa loob nang anim na araw.

Ayon kay Dr. Baggao, malaking tulong ang pagbubukas ng laboratoryo para mas mapabilis ang pagproseso sa COVID-19 tests sa Region 2.

-- ADVERTISEMENT --

Una rito, binuksan ang Covid 19 testing laboratory ng Department of Health o DoH Region 2 gamit ang kanilang genexpert machine.

Samantala, kinumpirma ni Dr. Baggao na wala nang pasyente sa COVID-ward ng CVMC matapos nag-negatibo sa COVID-19 test ang walong pasyente na may sintomas ng virus.