Naniniwala si Dr. Glen Mathew Baggao ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na maaprubahan ang kanilang request na gawing accredited testing center ng covid-19 ang naturang pagamutan.

Ayon kay Dr. Baggao, nitong araw ng Miyerkules ay dumating ang ilang tauhan ng Department of Health, Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at representative ng World health Organization na mula sa Korea sa CVMC at nagsagawa ng inspection.

Maghapon umano silang nagsagawa ng inspection kung saan lahat ng kanilang mga laboratoryo ay kanilang tinignan maging ang ilan pang kagamitan sa naturang ospital.

Kaugnay nito, sinabi ni Baggao na hindi umano malayong maaprubahan ang kanilang request dahil sa susunod na linggo ay magpapadala na ng nasa apat na medical technologies sa Baguio para sa kanilang training kontra covid-19.

Tinig ni Dr. Glen Mathew Baggao

Samantala, 24 na suspected patients na nakakaranas ng ilang sintomas ng Covid-19 ang kasalukuyang minomonitor ng kanilang pagamutan.

-- ADVERTISEMENT --

Muli namang nilinaw ni Baggao na hindi covid free ang Region 2 sa halip ay covid 19 positive free o walang positibo sa virus ang rehiyon.

Nasa 19th day na umanong walang naitatalang positibo sa virus ang CVMC ngunit hinimok nito ang publiko na huwag magpakampante bagkus ay sundin ang mga alituntunin ng pamahalaan para makaiwas sa covid-19.