
Pinapalakas ng Cagayan Valley Medical Center ang mga programa at mga serbisyo para sa mental health concerns.
Sinabi ni Dr. Ethel Maureen Pagaddu, medical officer IV ng CVMC, ito ay bunsod na rin ng tumataas pa rin ng bilang ng mga nakakaranas ng mental health problems hindi lamang sa Region kundi sa buong bansa.
Ayon kay Pagaddu, mayroon ang CVMC ng iba’t ibang programa upang matugunan ang iba’t ibang kundisyon ng mental health.
Sinabi niya na may libreng out patient, kung saan nagsasagawa sila ng konsultasyon sa mga pasyente, tumatanggap din sila ng in patient o mga pasyente na kailangan na maipasok sa kanilang pasilidad para sila ay matutukan, magabayan at maibigay ang karapat-dapat na pangangalaga para sa kanilang tuluyang paggaling.
Bukod dito, sinabi niya na mayroon ding out patient rehabilitation program.
Sinabi ni Pagaddu na mahalaga na matutukan ang mental health concerns upang hindi ito humantong sa mas malalang problema lalo na ang may mga suicidal tendencies.
Ayon sa kanya, may hotline ang CVMC para sa mga may mental health problema, at handa silang makinig at magpatupad ng interventions para sa matugunan ang kanilang sitwasyon.










