Nasa 14 pasyente na hinihinalang tinamaan ng COVID-19 ang nakapila at nag-aantay na may mabakante sa COVID-ward ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Ito’y dahil puno na ang kapasidad ng naturang pagamutan para sa mga may COVID-19 matapos maitala ang 174 na COVID-19 patients.

Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief, ito na ang pinakamataas na bilang ng mga pasyente sa COVID ward mula nang nagsimula ang pandemya kung saan muling nagsimula ang pagdami ng mga pasyente.

Sa naturang bilang na 174, sinabi ni Baggao na 141 rito ay kumpirmadong kaso ng COVID-19 at 30 ang suspected cases, maliban pa sa 14 na nasa tent at nag-aantay na may mabakanteng kwarto.

Pinakamarami sa mga pasyente ay mula sa lalawigan ng Cagayan na may 124 na kaso, Isabela na may 14, at 3 sa Cordillera Administrative Region.

-- ADVERTISEMENT --
Dr. Glenn Mathew Baggao

Kasabay nito, inihayag ni Dr. Baggao na magdadagdag sila ng hospital beds para ma-accommodate ang mga pasyenteng moderate to critical o nasa high risk na kaso ng COVID-19.

Bukod sa nagkakaubusan ng kama para sa COVID-19 patients, kulang na rin ang mga nurse para mag-alaga ng mga pasyente kung kaya tutugunan rin ang kakulangan sa mga health worker sa naturang COVID-19 referral facility.

Sinabi ni Dr. Baggao na bukod sa nagkakasakit ay pagod na rin ang mga doktor at nurse pero patuloy na nagpapakatatag para sa mga pasyente.

Kaya naman muling hinikayat ni Dr. Baggao ang publiko na magpabakuna at sundin ang mga health protocols para hindi na tumaas ang kaso ng COVID-19.

Paliwanag niya na may mas mataas na tsansa na makaligtas mula sa mas nakahahawang Delta variant at iba pang variant ng COVID-19 ang mga fully vaccinated na indibidwal.

Sa kasalukuyan ay nasa ilalim ng general community quarantine with heightened restrictions ang lalawigan ng Cagayan hanggang sa Agosto 15.

Posible namang ibalik sa MECQ ang Lungsod ng Tuguegarao sa mga susunod na araw dahil narin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid 19.