Nakahanda ang Cagayan Valley Medical Center bilang pangunahing referral hospital sa Rehiyon dos at karatig na rehiyon kaugnay sa magiging epekto ng El Nino.
Ito ang tiniyak ni Dr. Cherry Lou Antonio, chief- medical proffesional staff ng CVMC sa pagbisita ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa naturang health care facilities.
Ayon kay Antonio, may sariling water system at water reffiling station ang naturang pagamutan kung kaya hindi magiging problema ang tubig para sa mga pasyente at empleyado.
Mayroon rin sariling oxygen generating plant ang CVMC na may sariling solar system at generators na magagamit sakaling magkaroon ng malawakang browout sa tagtuyot.
Bukod dito, binigyang diin ni Vergeire ang 8-point action agenda sa ilalim ng liderato ni Health Sec. Ted Herbosa at pagpapalawak pa ng serbisyong medical tulad ng pagsasagawa ng medical at surgical mission sa labas ng pagamutan.
Pinuri naman ni Vergeire ang CVMC sa nakuhang parangal bilang Outstanding National Government Hospital sa buong bansa.
Sa kabila aniya ng mga problemang kinaharap ng pagamutan lalo na noong pandemya ay nakahanda ang pagamutan sa anumang hamon na darating sa kanila.
Si Vergeire ay dumalo sa isang seremonya sa pormal na pag-upo ng bagong regional director ng DOH-Region 2 na si Dr. Nikka Hao bilang kapalit ni Dr. Amelita Pangilinan.