Iniimbestigahan na ng Philippine Coast Guard ang alegasyong gumagamit ng cyanide ang mga mangingisdang chinese sa Bajo de Masinloc o Scarboriugh shoal sa West Philippine Sea.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, nakikipag-ugnayan na ang PCG sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa pangangalap ng mga ebidensya na magpapatunay na kagagawan nga ng mga mangingisdang Chinese ang pagkasira ng coral reefs sa shoal.
Ang makakalap na ebidensya ay ipiprisinta sa NTF on West Philippine Sea upang makabuo ng bagong national strategy sa pagtugon sa naturang environmental destruction at hakbang para sa pagsasampa ng kaso sa international tribunal.
Kasabay nito ay tiniyak ni Tarriela na magpapatuloy ang rotational deployment ng kanilang barko, katuwang ang BFAR sa Bajo de Masinloc.
Itoy alinsunod sa utos ni Pang. Ferdinand Marcos Jr upang makapangisda ng walang takot ang mga Pilipinong mangingisda sa lugar kasunod ng napaulat na harassment ng Chinese vessels.
Paraan din aniya ito ng Pilipinas upang maipabatid sa China na atin ang West Philippine Sea at hindi ito pinababayaan ng pamahalaan.
Iginiit naman ni Tariella na gagawin ng pamahalaan ang mga ligal na hakbang upang igiit ang karapatan ng bansa at protektahan ang teritoryo na nasa loob ng EEZ ng Pilipinas.