
Naghain ng cyberlibel complaint si negosyanteng Enrique Razon laban kay Cavite Fourth District Representative Kiko Barzaga kaugnay ng mga social media post na nag-uugnay umano sa kanya sa katiwalian sa Kongreso at panunuhol sa mga mambabatas.
Sa complaint-affidavit na inihain sa Makati City Prosecutor’s Office, iginiit ni Razon na pinaratangan siya ni Barzaga bilang utak sa likod ng umano’y korapsyon sa Kamara at pagbibigay ng suhol sa mga miyembro ng National Unity Party upang masuportahan ang pananatili ni Martin Romualdez bilang Speaker.
Bagama’t kalaunan ay binura ang mga post, sinabi sa reklamo na mabilis itong kumalat at nakita ng libo-libong netizens, kabilang ang mga kasamahan at kawani ng negosyante.
Ayon sa kampo ni Razon, lampas na umano sa lehitimong diskursong politikal ang naturang mga pahayag at bumagsak na sa kriminal na paninirang-puri.
Binigyang-diin din na hindi makatwiran ang alegasyon ng panunuhol dahil nanalo si Romualdez bilang Speaker nang walang kalaban at may supermajority noong 2025, at wala umanong papel o impluwensiya si Razon sa mga usaping pamumuno sa Kongreso.
Humihingi ang negosyante ng hindi bababa sa P100 milyon bilang moral damages at P10 milyon bilang exemplary damages.
Samantala, iginiit ni Barzaga na haharapin niya ang kaso at maghahain ng ebidensya sa korte at sa Kongreso, habang ilang miyembro rin ng NUP ang nagpahayag ng plano na magsampa ng hiwalay na reklamo laban sa mambabatas.










