
Nagbabala ang Department of Agriculture–Fertilizer and Pesticide Authority (DA-FPA) laban sa online pagbebenta at kalakalan ng mga pataba at pestisidyo, na ipinagbabawal umano ng batas ayon sa isang memorandum.
Ayon kay DA-FPA Executive Director Glenn Estrada, hindi nagbibigay ang ahensya ng lisensya o permit para sa pagbebenta ng mga naturang produkto sa mga online shopping platform.
Aniya, kadalasang hindi matunton ang mga produktong ibinebenta online at maaaring peke, substandard, maling naka-label, o delikado sa kalusugan.
Dagdag pa ni Estrada, mahirap regulahin ang online sellers dahil marami ang walang lisensya, kaya may panganib ng maling imbakan, pakikialam, o muling pagre-repack ng produkto.
Mas delikado umano ito sa mga sistemang tulad ng hydroponics na nangangailangan ng eksaktong chemical composition.
Binigyang-diin din ng DA-FPA na may mga produktong galing sa ibang bansa na pumapasok nang walang rehistro, inspeksyon, at Certificate Authorizing the Importation of Pesticides (CAIP), na itinuturing na smuggled inputs.
Nilinaw naman ng ahensya na bukas ito sa posibilidad ng online selling sa hinaharap kung magkakaroon ng sapat na regulasyon, lisensya, traceability, at enforcement mechanisms.










