Muling hinimok ng Department of Agriculture (DA) ang mga magsasaka na gumamit ng organikong pataba bilang solusyon sa mataas na presyo ng synthetic fertilizers at upang makatipid sa gastos para sa mga pananim .
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Fevie Rica Ancheta, soil laboratory chief ng DA-RO2 na ang pagrerekomenda ng naturang agricultural practices ay hindi upang pigilan ang mga magsasaka sa paggamit ng inorganic fertilizers bagkus maturuan sila ng balanseng paggamit ng organic at inorganic fertilizers.
Kasabay nito, nasa tatlong-libong pakete ng Compost Fungus Activator (CFA) ang ipinamahagi ng kagawaran sa asosasyon ng mga magsasaka sa Brgy Bulo at Matucay sa bayan ng Allacapan at ang iba ay ibinigay sa LGU para maipamahagi sa iba pang magsasaka.
Ang CFA ay iniispray sa mga nabubulok na halaman tulad ng dayami na makakatulong sa pagpapabilis ng dekomposisyon o pagkabulok nito na magsisilbing pataba sa pananim.
Bukod dito, hinikayat din ang mga magsasaka sa rehiyon na ipasuri ang mga lupang sinasaka at magkaroon ng tamang kaalaman ukol sa paggamit ng abono o pataba.
Paliwanag ni Ancheta na mahalaga ang soil testing upang matukoy ang sapat o dami ng abono na kakailanganin upang maging malusog ang pananim.