
Hiniling ng Department of Agriculture (DA) ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) sa sinasabing hindi magandang insidente na kumakalat sa social media na sangkot ang ilang magsasaka sa Nueva Ecija dahil sa mababang presyo ng palay.
Nagpahayag ng pagkabahala si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa pag-uugnay ng ilang grupo sa mababa umanong presyo ng palay sa pagpapakamatay umano ng tatlong magsasaka sa Nueva Ecija.
Una rito, isiniwalat ni Magsasaka Party-list chairman Argel Joseph Cabatbat sa isang panayam na nagpakamatay umano ang tatlong magsasaka sa nasabing lalawigan dahil sa mababang pagbili sa kanilang palay.
Nakumpirma naman umano ito ni dating agriculture secretary at Magsasaka Party-list nominee Leonardo Montemayor ang nasabing ulat sa kanyang pakikipagpulong sa mga magsasaka sa mga bayan ng Guimba at Talavera.
Sinabi ni Montemayor na ang presyo ngayon ng palay ay P15 kada kilo o mas mas mababa, na ikinadismaya ng mga magsasaka dahil sa hindi nila mabayaran ang kanilang mga utang.
Ayon kay Tiu Laurel, ang mga nasabing pahayag ay taliwas sa imbestigasyon mula sa law enforcement agencies at ng DA, kabilang ang mga statements mula sa mga pamilya ng mga namatay.
Sinabi ng kalihim na nagpadala na sila ng sulat sa NBI kahapon na humihiling na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa nasabing usapin at umaasa siya na lalabas ang katotohanan sa hindi umano magandang kapalaran ng mga nasabing magsasaka.
Kasabay nito, sinabi ni Tiu Laurel na hayaan ang pamilya na makapagdalamhati, at nangako siya ng kailangang tulong sa mga ito.
Iginiit din ni Tiu Laurel ang hamon na kinakaharap ngayon ng National Food Authority (NFA), na binibili ang palay sa halagang P18 per kilo sa sariwa at P24 per kilo sa clean and dry.
Ipinaliwanag ni Tiu Luarel, sa kabila na itinaas ng NFA ang buying price sa palay, hindi nabibili ng NFA ang lahat ng palay ng mga magsasaka dahil sa limitasyon sa kanilang budget.