Humiling ang Department of Agriculture (DA) sa pamahalaan ng karagdagang P30 bilyon para sa fertilizer at dagdag ayuda sa mga magsasaka.
Ayon kay Assistant Secretary na si Arnel De Mesa, kailangan ang pondo para makatulong sa pagtaas ng gastos sa produksyon, lalo na sa fuel.
Sa ngayon, ipinatutupad na ng DA ang P10 bilyong Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) upang suportahan ang mga magsasaka at mangingisda. Gumamit din ang ahensya ng P1 bilyong quick response fund matapos ideklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang state of national energy emergency.
Samantala, ibinaba ng National Rice Program ang target na produksyon ng bigas mula 20.8 milyon metric tons sa 19.8 milyon metric tons. Posible pa itong bumaba dahil sa epekto ng mga hamon sa agrikultura, lalo na ngayong panahon ng taniman.










