Magsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Agriculture (DA) sa mga reklamo sa kalidad ng bigas na ibinenta sa Kadiwa markets kasunod ng mga nakitang “bukbok” sa ilang stocks na ibinenta sa palengke sa Quezon City.

Ayon sa mga mamimili, mayroon silang nakita na kuto o tinatawag nilang bukbok.

Sinabi ng kahera ng nasabing palengke na may nagbalik na buyer na bumili ng sako-sakong bigas.

Ayon sa kanya, hindi naman nila nakikita ang loob ng bigas na nabili ng nasabing buyer dahil hindi na nila ito binuksan dahil sa sako-sako ang binili.

Nangako naman ang DA na kanilang aalamin ang nasabing insidente, subalit nanindigan na ang mga ibinebentang mga bigas sa Kadiwa stores ay dumadaan sa mahigpit na pagsusuri bago dadalhin sa mga palengke.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay DA spokesman Arnel de Mesa, sinabi sa kanila ng Food Terminal Incorporated at National Food Authority (NFA) na sinusuri muna ang bigas bago dadalhin sa Kadiwa stores.

Gayunman, sinabi ni De Mesa kung may mga reklamo na bukbok na bigas ay magsasagawa sila ng imbestigasyon.

Kasabay nito, sinabi ni De Mesa na maaaring isolated case, dahil ang ibang Kadiwa stalls ay nagbebenta ng mga bigas na maganda ang kalidad.